Intro to 1 Thessalonians
Intro to 1 Thessalonians Part 2 | 1 Thessalonians 1
1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo; para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica, na hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa ating Diyos.
2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming dalangin. 3 Sa mga dalangin nami'y ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang gawain ninyo na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagsisikap dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiyaga dahil sa inyong matibay na pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Alam namin, mga kapatid na minamahal ng Diyos, na siya ang humirang sa inyo. 5 Sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang ebanghelyo, hindi ito sa pamamagitan ng salita lamang, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihang mula sa Banal na Espiritu kasama ang lubos naming pananalig sa aming ipinapahayag. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling alang-alang sa inyo. 6 Nang tinanggap ninyo ang aming ipinapangaral, tumulad kayo sa aming halimbawa at sa halimbawa ng Panginoon. Ginawa ninyo ito sa kabila ng matinding paghihirap, ngunit tinaglay pa rin ninyo ang kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. 7 Kaya nga kayo'y naging huwaran ng lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaia. 8 Hindi lamang ang Salita ng Diyos ang lumaganap sa mga lugar na iyon sa pamamagitan ninyo. Pati ang inyong pananampalataya'y nakilala na rin sa lahat ng dako, kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman. 9 Sila na mismo ang nagbalita kung paano ninyo kami tinanggap at kung paano ninyo tinalikdan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, 10 hintayin ang pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit, si Jesus na kanyang muling binuhay mula sa mga patay, ang ating tagapagligtas mula sa poot na darating.